Alamin Kung Ano ang STD

Ano ang unang-una mong naiisip kapag naririnig mo ang ‘STD’? Nababahala, natatakot at nandidiri—itong tatlong ito, marahil ang mga una mong nararamdaman at naiisip. Pero bago pa man maisip at maramdaman ang mga ito, dapat, alamin mo muna kung ano ang STD. Kasama na sa mga dapat mong malaman ang mga sanhi, senyales at gamot sa sakit na ito. Importante ring malaman mo kung ano-ano ang mga pag-iingat na dapat gawin upang ikaw ay hindi magka-STD.

Ano ang STD?

Ang Sexually Transmitted Disease (STD) ay sakit na puwedeng makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa isang tayong mayroon nito. May iba’t-ibang uri ng STD ngunit ang pinaka-kalimitang alam ng tao at madalas na dumadapo lalo na sa lalaki ay ang gonorrhea o tulo. Nahahawaan ng isang inang may ganitong sakit ang kaniyang anak na sanggol habang siya a ipinanganganak. Ito ay naisasalin sa pamamagitan ng mga fluid o tubig sa katawan. Bagama’t mas lalong posibling magka-STD ang isang lalaki, maaari ring magkaroon nito ang isang babae.

Ikaw ba, o may kakilala ka bang posibleng may STD? Maaaring alam mo na kung ano ang STD, subalit, kailangan mong malaman ang nagiging sanhi nito. Ang gonorrhea ay dulot ng bakterya na tinatawag ding Neisseria gonorrheae. Ang bakteryang ito ay nakakapagpabilis ng pagtubo at pagdami ng mucus membrane ng isang tao. Hiyang na hiyang ang mikrobyo sa daanan ng ihi, maging ng matris na may maligamgam na temperatura. Nabubuhay din ang mikrobyong ito sa lalamunan, bibig at puwet ng tao.

Mga sintomas ang STD

Hindi sapat na alam mo kung ano ang STD o tulo. Alam mo rin dapat kung nahawa ka na ng sakit na ito. Narito ang ilang mga sintomas na dapat obserbahan at bantayan bago uminom ng gamot sa STD:

Para sa mga babae:

  • Kung ikaw ay nilalabasan ng maberde o maputing likido sa puwerta
  • Matinding pananakit ng puson at balakang na hindi naman dulot ng dysmenorrhea
  • Sobrang hapdi kapag umiihi
  • Nagkakaroon ng sore eyes o conjunctivitis
  • Dinudugo kahit hindi naman nireregla o hindi dulot ng spotting ng buntis
  • Dinudugo sa tuwing pagkakatapos makipagtalik
  • Namamaga ang puwerta
  • Sumasakit ang lalamunan kapag nakikipag-oral sex

Para sa mga lalaki:

  • Kung nilalabasan ng maberde o maputing likido sa ari
  • Sobrang hapdi kapag umiihi
  • Sobrang sakit ng lalamunan kapag nakikipag-oral sex
  • Namamaga o sumasakit ang bayag

Mga gamot na maaaring subukan

Ang pag-inom ng gamot sa STD ay naaayon sa klase ng kung ano ang STD na dumapo sa isang tao. Para sa tulo, ang doktor ay maaaring mag-reseta o magrekomenda ng napakatapang na antibiotic. Ang gamot na ito ay maaaring itinuturok, o iniinom. Katulad ng nabanggit, depende pa rin ito sa pangangailangan ng pasyente. Kung ang kapareha o asawa ay may sakit na STD, nararapat na siya ay gamutin upang maiwasang mahawa. Hindi rin dapat inumin ang gamot sa STD na inirekomenda sa ibang nagkaroon na ng ganitong sakit upang hindi na lumala pa ang kondisyon. Mahalagang masuri muna ng doktor para sa karampatang lunas.

Pinakamabisang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng ano mang klase ng STD ay ang pakikipagtalik sa iisang tao lamang na walang ganitong karamdaman. Ibig sabihin, sa asawa lamang o kinakasama makipag-sex. Hindi lamang ang pagkahawa mo ang maiiwasan kung gagawin mo ito. Maging ang pagkahawa ng kapareha mo ay maagapan din.

KATULAD NA MGA ARTIKULO